MANILA, Philippines - Hindi ipapahiya nina Genesis Servania at Arthur Villanueva ang kanilang boxing promoter na nagtiwala sa kanila para pagningningin ang kauna-unahang Pinoy Pride sa Dubai.
Ang nasabing boxers ang itatampok sa ‘Pinoy Pride’ sa Dubai sa Setyembre sa Dubai World Trade Center, na siyang magsisilbing inagurasyon ng boxing card overseas ng Cebu-based ALA Promotions na suportado ng ABS-CBN.
Ito na ang ika-27th edisyon sa Pinoy Pride series at kalaban ng walang talong si Servania (24-0, 10 KOs) si Jose Cabrera (22-4, 10 KOs) ng Mexico para sa suot niyang WBO Inter-Continental super bantamweight title.
Si Villanueva (25-0, 14 KOs) ay makikipagsukatan kay Nicaraguan Henry Maldonado (19-3, 14 KOs) para sa IBF International junior bantamweight title.
Ang mga laban nina Servania at Villanueva ay inilagay sa 12-rounds.
“Salamat sa pagtitiwala at mabibigyan kami ng pagkakataon na lumabas sa kauna-unahang Pinoy Pride sa labas ng Pilipinas,” wika ni Servania.
Bukod sa dalawang walang talong boksingero ay sasalang din sa aksyon ang dating world contender na si Rey “Boom Boom” Bautista na kasukatan si Juan Jose Marquez ng Mexico sa isang 10-rounder.