MANILA, Philippines - Bagama’t siya ang pinakamatandang player ngayon sa PBA, hindi ito alintana para makakuha si Asi Taulava ng isang maximum contract.
Ibinunyag kahapon ng 40-anyos na si Taulava ang pagpirma niya sa NLEX, bumili sa prangkisa ng Air21, ng isang two-year, maximum salary deal na nagkakahalaga ng P10 milyon.
“Its Official! Just sign my deal with nlexroadwarriors ! Thanks Boss @rtdulatrenlex ! #Blessed!”,” sabi ng 6-foot-9 na si Taulava sa kanyang Instagram account na @agelessasi88.
Si Taulava, ilang beses naging miyembro ng National Team, ay tatanggap ng maximum monthly salary na P420,000 sa kanyang two-year deal.
Hinangaan ng Road Warriors ang ipinakita ni Taulava, hinirang na PBA Press Corps Comeback Player of the Year, para sa Express sa nakaraang season na nagtampok sa kanilang pagpasok sa Final Four ng 2014 PBA Commissioner’s Cup.
Sa nakaraang PBA Rookie Draft ay walong players ang kinuha ng NLEX.
Ang mga ito ay sina Juan Miguel Tiongson, Frank Golla, Brian Heruela, Maclean Sabellina, Juneric Baloria, Raul Soyud, Clark Bautista at Reneford Ruaya.