Laro mapapanood ng LIVE sa TV5
MANILA, Philippines - Magbabalik ang Pilipinas sa pinakamalaking basketball stage sa mundo sa pagsabak ng Gilas Pilipinas sa 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Magsisimula ang mga aksyon ngayong araw at ang TV5 ang magsasaere ng mga ito sa kanilang free-TV channel sa bansa kung saan ihahatid nila ang lahat ng laro ng Gilas Pilipinas ng LIVE.
Ang free-TV LIVE coverage ng mga laro ng Gilas Pilipinas sa 2014 FIBA World Cup ay magsisimula ngayon sa kanilang pagharap sa Croatia sa alas-6:30 ng gabi (Manila time).
Susundan ito ng kanilang pagsagupa sa Greece sa Setyembre 1 sa ganap na alas-2 ng hapon at laban sa Argentina sa Setyembre 2 sa alas-11:30 ng gabi.
Haharapin ng Gilas Pilipinas ang Puerto Rico sa Setyembre 3 sa alas-7:30 ng gabi bago tapusin ang kanilang preliminary round laban sa Senegal sa Setyembre 4 sa alas-8 ng gabi.
Sisimulan ng TV5 ang kanilang coverage 30 minuto bago ang bawat tip-off sa Sports5 Center Gilas Edition in Manila.
Ang Sports5 team ang maglalahad ng mga laro sa Spain at sina Magoo Marjoon at Quinito Henson ang magbibigay ng play-by-play at commentaries ng mga laro ng Nationals.
Ipaparada ng Gilas Pilipinas sina Jimmy Alapag, LA Tenorio, Jason Castro, Paul Lee, Gary David, Gabe Norwood, Jeff Chan, Japeth Aguilar, Ranidel de Ocampo, June Mar Fajardo, Marc Pingris at naturalized center Andray Blatche.
Bilang bonus para sa mga Kapatid viewers, magsasaere rin ang TV5 ng ilang laro ng Spanish National team nang LIVE bukod pa sa primetime replay ng mga laban ng United States squad. Ang Spain ay pamumunuan nina Pau at Marc Gasol, Serge Ibaka at Ricky Rubio.
Ipaparada naman ng US team sina superstars Stephen Curry, James Harden, Anthony Davis at Derrick Rose.
- Latest