MANILA, Philippines - Pinataob ng Pilipinas ang Kazakhstan, 86-74, para manatiling nakatuon sa ikalimang puwestong pagtatapos sa FIBA Asia Under-18 Championship sa Al-Gharafa sa Doha, Qatar.
Si Paul Desiderio ay naghatid ng 19 puntos mula sa bench at 10 dito ay kanyang ibinagsak sa huling yugto para palamigin ang pagbangon ng Kazakhstan upang maikasa ang pagbangga sa Japan para sa ikalimang puwestong pagtatapos.
Nalagay na lamang ang Batang Gilas sa battle-for-fifth place nang natalo sa Chinese Taipei, 86-90, sa quarterfinals.
Hindi rin pinalad ang Taiwanese team na umabante sa championship nang durugin sila ng two-time defending champion China, 92-50.
Kalaban ng China sa championship ang Iran na ginutay-gutay ang South Korea, 78-60. Ang gold medal bout ay ginawa kagabi.
Kontrolado ng Batang Gilas ang first half matapos hawakan ang 16 puntos abante sa halftime, 54-38.
Pero nagbago ang takbo ng laro sa ikatlong yugto nang gumanda ang opensa ng Kazakhstan at nanaig sa quarter, 23-13, para dumikit sa anim, 61-67.