MANILA, Philippines - Isasama na ang 16-anyos archer na si Luis Gabriel Moreno sa mga atletang nasa ilalim ng ‘prio-rity athletes’ na sinusuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang desisyon ay ginawa ng PSC board bilang bahagi ng insentibo ni Moreno matapos maging kauna-unahang Filipino athlete na nanalo sa Olympics.
Nakatambal ni Moreno si Chinese lady archer Li Jiaman para magkampeon sa Mixed International event sa archery sa Youth Olympic Games sa Nanjing, China.
Ang priority athletes ay bukas lang dapat sa mga medalists na ma-ngangakong ibibigay ang kabuuang oras sa pagsasanay.
Ang mga atletang nag-aaral na nanalo ng ginto, pilak at bronze medals sa SEA Games ay hindi isinasama dahil nahahati ang kanilang oras sa kanilang pag-aaral.
Wala pang atleta ng bansa ang nanalo ng ginto kahit ito ay sa Summer o Winter Olympics.
May cash insentive rin na ibibigay ang PSC pero pinag-aaralan pa kung magkano ang puwedeng ibigay sa batang archer na mag-aaral din ng La Salle Greenhills.
Susulat ang PSC sa Malacañang para hingian ng ‘go signal’ ang pagbibigay ng insentibo dahil ang YOG ay hindi kasama sa mga palaro na ang mga medalists ay bibigyan ng insentibo ng pamahalaan gamit ang Incentives Act.
Si Moreno at ang iba pang atleta na naglaro sa Nanjing ay darating ngayong hapon pero ang pagbibigay ng insentibo ay nakakalendaryo sa Setyembre 5 sa sendoff ceremony para sa 150 atleta na maglalaro sa Asian Games sa Incheon, Korea.