MANILA, Philippines - Mahaba na ang nilakbay ng Gilas Pilipinas para makamit ang inaasam na pag-abante sa knockout stage ng 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Matapos laruin ang huli nilang warm-up game at nagtungo sa Seville, Spain – ang battle ground ng “WC” Group B competition, idineklara ng Gilas coaching staff ang kanilang kahandaan para sa giyera.
“We’re better. Finally, after just one month of preparation, the system and defense is starting to fall into place at the level where we need it to be,” sabi ni Gilas assistant coach Josh Reyes sa kanyang Twitter account.
Sa fiba.com <http://fiba.com>, ang Team Phl ay inilagay sa No. 17 sa “Power Ladder,” pang-apat sa Group B sa ilalim ng Greece, Argentina at Puerto Rico at nasa itaas ng Croatia at Senegal, tatlong araw bago magsimula ang labanan sa anim na Spanish cities.
Sa nasabing mga puwesto ibinase ng FIBA web site ang kanilang ranking sa mga laro na ginawa ng 24 koponan simula noong Mayo 29.
Ibinilang ang mga laro ng Gilas Pilipinas sa kanilang bronze-medal showing sa FIBA Asia Cup kung saan nila nakaharap ang mas magagaang na koponan kumpara sa mga makakaharap nila sa Spain.
Pinaghandaan ng Nationals ang kompetisyon sa Spain sa kanilang mga ginawang tune-up games sa Spain at France kung saan nila nakaharap ang ACB Selection, France, Australia, Ukraine, Euzkadi-Basque, Angola, Egypt at Dominican Republic.
Sa clinic sa Miami, Florida ay kasama ng koponan sina naturalized player Andray Blatche at veteran international coach Tab Baldwin.
Tinalo ng Phl training team ang Miami Pro-Am Team, 95-74, at ang Elev8 selection, 93-84.
Sa kanilang European tour ay tinalo naman ng Nationals ang ACB team at Egypt at natalo sa France at Dominican Republic at inilampaso ng Australia, Ukraine, Basque at Angola.
Winakasan ng koponan ang limang sunod na talomula sa 74-65 panalo sa Egypt sa Guadalajara, Spain.
Muling natalo ang Gilas Pilipinas mula sa 79-86 pagyuko sa 26th-ranked Dominican Republic sa Palacio Multiusos de Guadalajara.
Hindi umaasa ang Gilas na makakakuha ng medalya sa FIBA World Cup pero lalaban sila.