Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. – PLDT vs Air Force (third place)
– Awarding
Ceremonies
4 p.m. – Army
vs Cagayan Valley (championship)
MANILA, Philippines - Mag-uunahan ngayon ang Philippine Army at Cagayan Valley sa mahalagang 1-0 kalamangan sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference Finals sa The Arena sa San Juan City.
Naghati ang dalawang koponan sa tig-isang panalo sa dalawang pagkikita sa liga para matiyak na magiging balikatan ang sagupaan na itinakda sa alas-4.
Unang magpapang-abot ay ang PLDT Home Telpad Turbo Boosters at ang Air Force Air Spikers sa alas-2 ng hapon para sa ikatlong puwesto.
Matapos ang nasabing laro ay bibigyan ng pagkilala ng ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s ang mga manlalarong nailabas ang angking galing sa awarding ceremonies.
Mangunguna sa pararangalan si Ateneo Lady Eagles spiker Alyssa Valdez na siyang lumabas bilang No. 1 scorer ng liga.
Ang Army ang nagkampeon sa torneo noong 2011 at determinado ang koponan na makatikim muli ng titulo sa ligang may ayuda ng Accel at Mikasa.
Kumpleto ang line-up ng Lady Troopers dahil matitikas ang kanilang spikers sa pangunguna nina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, Nerrisa Bautista at Mary Jean Balse, habang ang beteranang si Tina Salak ang didiskarte sa opensa.
Ngunit hindi padadaig ang Cagayan na noong nakaraang taon ay umani ng kauna-unahang 16-0 sweep para katampukan ang kauna-unahang kampeonato sa torneo.
Mataas din ang kumpiyansa ni Cagayan coach Nestor Pamilar lalo pa at nagawang bumangon ng koponan mula sa pagkakatalsik sa kompetisyon nang matalo sa unang apat sa limang laro sa quarterfinals.
Sina Aiza Maizo, Janine Marciano at Pau Soriano ang mga aatake, habang ang depensa ay pangungunahan ni Shiela Pineda.
Ang mananalo ay may tsansang ibulsa ang titulo sa Agosto 31.