MANILA, Philippines - May nakikitang kahinaan si Cagayan Valley Lady Rising Suns coach Nestor Pamilar sa Army Lady Troopers para maniwalang kaya pa rin na maidepensa ang titulo sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference.
“Army is strong team but beatable,” wika ni Pamilar na noong nakaraang taon ay winalis ang 16 na laro para makuha ang titulo.
Mas masalimuot ang dinaanan ng Cagayan ngayon dahil nanganib pa sila na matanggal sa kompetisyong inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa.
Ngunit nanalo sila sa Air Force Air Spikers para malagay sa ikatlong puwesto sa semis bago winalis ang best-of-three series sa pumangalawang PLDT Home Telpad.
Sina Aiza Maizo, Janine Marciano, Pau Soriano, Rosemarie Vargas at libero Shiela Pineda ang mga gagawa para sa Cagayan.
“Para manalo ay dapat na tapatan namin ang kanilang agresibong paglalaro,” dagdag pa ni Pamilar.
Bukas sisimulan ang best-of-three championship series at ang mananalo ay magkakaroon ng pagkakataon na angkinin ang titulo sa Linggo.
Kung magkaroon ng tabla, ang sudden-death ay paglalabanan sa Martes.