Gilas bigo sa Dominican Republic
MANILA, Philippines - Isang kabiguan ang babaunin ng Gilas Pilipinas para sa pagsisimula ng 2014 FIBA World Cup sa Agosto 30 sa anim na siyudad sa Spain.
Nabigo ang Nationals sa Dominican Republic, 79-86, sa kanilang huling tune-up game sa Palacio Multiusos de Guadalajara sa Guadalajara, Spain.
Bago ito ay nanalo muna ang Gilas Pilipinas sa Egypt kamakalawa.
Naging pisikal ang kanilang laro kung saan tinira ni Ranidel de Ocampo si Dominican Republic cager James Feldeine sa first half.
Kaagad naman itong nakontrol ng magkabilang koponan.
Nagsindi ng 6-1 ratsada ang Dominican Republic matapos makadikit ang Nationals sa 78-80 sa huling minuto para selyuhan ang kanilang panalo.
Binanderahan ni Gabe Norwood ang Nationals mula sa kanyang 17 points at kumolekta si 6-foot-11 naturalized center Andray Blatche ng 16 points at 8 rebounds.
Nagtala naman si point guard LA Tenorio ng 10 points, 5 rebounds at 4 assists, habang muling hindi naglaro si Jayson Castro para ipahinga ang kanyang ankle injury.
Bubuksan ng Gilas Pilipinas ang kanilang kampanya sa 2014 FIBA World Cup sa Seville, Spain kontra sa Croatia sa Agosto 30.
- Latest