NANJING - Nagbabalak ang Philippine Sports Commission na bigyan ng insentibo si archer Luis Gabriel Moreno matapos manalo ng gintong medalya kasama ni Chinese lady archer Li Jiaman sa mixed international team event sa Youth Olympic Games sa Nanjing, China.
Hindi kasama ang YOG sa RA 9064 o Incentives Act pero puwedeng maglaan ng halaga ang PSC mula sa kanilang pondo para maging insentibo ni Moreno.
“By law, the YOG is not covered but it is part of the amendments of the new Incentives Act which is pending in Congress,” wika ni Garcia,
“The PSC can give but it will not be a big amount,” dagdag nito.
Ang mixed international team event ay inilaro sa unang pagkakataon na kung saan pinagtatambal ang archers mula sa magkaibang bansa para maisulong din ang pagkakaibigan.
Edad 16 si Moreno at nag-aaral sa La Salle Greenhills at siya ang lalabas bilang kauna-unahang atleta ng bansa na pinalad na manalo ng ginto sa YOG na nasa ikalawang edisyon na.
Sa Incentives Act, ang mga atletang nanalo sa SEA Games, Asian Games, Olympics at World Championships na ginagawa tuwing apat na taon ang mga may insentibo sa pamahalaan.
Isinusulong na maamyendahan ang RA 9064 dahil marami na ang torneong sinasalihan ng bansa at kasama rin sa nais bigyan ng insentibo ay ang mga differently abled athletes na nananalo sa Para-Games.