MANILA, Philippines - Naghatid ng 15 puntos at 10 assists si Baser Amer para ibandera ang four-time defending champion San Beda Red Lions sa 86-79 panalo sa San Sebastian Stags sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May pitong puntos ang naturang guard sa huling yugto para palamigin ang tangkang pagbangon ng Stags at manatiling nasa itaas ng team standings sa 9-2 baraha.
Magkasalo pa rin ang San Beda at Arellano matapos ibulsa ng Chiefs ang 82-79 tagumpay sa palaban pero kinapos pa ring Mapua Cardinals sa ikalawang laro.
Si Jiovani Jalalon ang nagsalba sa Chiefs nang naipasok ang kanyang apat na free throws sa huling 12.1 segundo para umakyat din sa 9-2 baraha.
Tumapos si Jalalon taglay ang 18 puntos at ang kanyang naunang dalawang free throws ang nagbigay ng 80-76 bentahe.
Pumukol ng three-pointer si Carlos Isit para idikit ang Cardinals sa isa bago bumalik si Jalalon sa 15-foot line at gumawa pa ng dalawang puntos tungo sa 82-79 bentahe.
Natapos ang laro nang tumama lang ng ring ang panablang tres galing kay Hesed Gabo upang lasapin ng Cardinals ang ika-10 pagkatalo matapos ang 11 laro.
May 25 puntos at 6 assists si John Pinto para pamunuan ang Chiefs na nairehistro ang pinakamaraming panalo sapul nang pumasok sa liga.
“Kulang sa energy pero maganda na lamang at andoon si Amer,” ani Lions coach Boyet Fernandez.
San Beda 86 – Adeogun 18, Amer 15, Dela cruz 14, Pascual 12, A. Semerad 8, Koga 7, Mendoza 7, Cabanag 3, Mocon 2, Sara 0, Abude 0, D. Semerad 0.
San Sebastian 79 – Guinto 29, Perez 23, Dela Cruz 11, Calisaan 5, Ortuoste 4, Yong 4, Camasura 3, Pretta 0, Aquino 0, Mercado 0.
Quarterscores: 15-15, 38-27, 65-52, 86-79
Arellano 82 – Pinto 25, Jalalon 18, Holts 9, Ciriacruz 8, Enriquez 8, Agovida 7, Nicholls 5, Salcedo 2, Palma 0, Caperal 0.
Mapua 79 – Isit 21, Eriobu 19, Estrella 18, Gabo 8, Biteng 5, Cantos 4, Tubiano 2, Villasenor 2, Canaynay 0.
Quarterscores: 26-24, 38-40, 62-54, 82-79.