MANILA, Philippines - Taong 2011 pa huling nakatikim ng titulo ang Army Lady Troopers sa Shakey’s V-League.
Kaya’t asahan na gagawin ng koponan ang lahat ng makakaya para wakasan ang tatlong taong pagkauhaw sa kampeonato sa pagbangga sa nagdedepensang kampeon Cagayan Valley Lady Rising Suns para sa titulo sa Open Conference na magsisimula na sa Huwebes sa The Arena sa San Juan City.
“Matagal-tagal na rin ang huling titulo namin kaya talagang determinado kaming magkampeon uli,” wika ni Army coach Rico de Guzman.
Tiyak na magiging memorable ang best-of-three finals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda pa ng Accel at Mikasa dahil parehong may mahuhusay na manlalaro ang magkabilang koponan.
Balak din ng Lady Rising Suns na mapanatiling suot ang koronang kinuha noong nakaraang taon gamit ang makasaysayang 16-0 sweep.
Sa pagtatapos ng semifinals ay lumabas na ang Army ang pinakamahusay na koponan sa spikes sa 35.64 success rate at numero uno rin sa serves sa 2 aces average kada set.
Pero ang Lady Rising Suns ang pinakamahusay sa dig sa 9.08 average per set.
Ibabandera ang Army nina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, Mary Jean Balse, Nerissa Bautista, setter Tina Salak at libero Christine Agno habang panapat ng Cagayan sina Aiza Maizo, Janine Marciano, Pau Soriano Ma. Angeli Tabaquero, setter Gyzele Sy at Shiela Pineda bilang libero.