Sinu-sino ang makukuha?
MANILA, Philippines - Ipopormalisa ng Globalport ang paghirang kay Fil-American guard Stanley Pringle bilang No. 1 overall pick, habang inaasahan namang walang pipili kay Filipino boxing superstar Manny Pacquiao para sa kanyang pag-upo bilang playing coach ng Kia Motors.
Ito ang ilan sa mga mangyayari sa 2014 PBA Draft ngayong hapon sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Nagkasundo na ang 27-anyos na si Pringle at ang Batang Pier ni team owner Mikee Romero kaugnay sa tatanggaping suweldo ng produkto ng Penn State University.
Ang 5-foot-11 na si Pringle ay naglaro para sa Indonesian Warriors sa nakaraang Asean Basketball League (ABL) at kumampanya sa Belgium, Poland at Ukraine,
Kumpiyansa naman ang 5’6 na si Pacquiao na walang PBA team na kukuha sa kanya sa draft kundi ang Kia Motors na nauna nang nagluklok sa kanya bilang head coach.
Sinasabing balak siyang kunin ng Barangay Ginebra.
“Alam naman nilang coach na ako ng Kia. Alam na nila ‘yon,” sabi ni Pacquiao, ang tatayong pinakamatandang rookie sa edad na 35-anyos.
Ang mga koponang pipili sa first round ay ang Globalport, Rain or Shine (mula sa Meralco), Barako Bull, NLEX, Alaska, Ginebra, San Mig Coffee (galing sa Barako na nakuha nito sa Petron/San Miguel Beer), Barako Bull (buhat sa Talk ‘N Text), Rain or Shine, Barako Bull (mula sa San Mig Coffee), Kia Motors at Blackwater.
Walang pick ang Talk ‘N Text, San Miguel Beer at Meralco sa first round subalit maaaring magkaroon sakaling pumasok sila sa trade.
Maliban kay Pringle, inaasahan ding mahuhugot sa first round sina Fil-Am guard Chris Banchero, Matt Ganuelas-Rosser, Kevin Alas, Ronald Pascual, Anthony Semerad, Rodney Brondial, Jake Pascual at Juneric Baloria.
Si Banchero, naglaro sa ABL para sa nagkampeong San Miguel Beermen, ang nanguna sa lahat ng skills test sa idinaos na 2014 Gatorade PBA Draft Combine sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong City.
- Latest