PLDT, Air Force pipiliting itabla ang serye

Laro Bukas

2 p.m. PLDT vs Cagayan Valley

4 p.m.  Army vs Air Force

 

MANILA, Philippines - Kailangang gumanda ang atake ng PLDT Home Telpad Turbo Boosters at Air Force Air Spikers kung nais pa nilang manati­ling palaban sa titulo sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference.

Base sa istatistika sa unang tagisan sa best-of-three semifinals noong Huwebes, lumabas na ang napakaraming sablay sa opensa ang siyang nagpadali sa panalong naitala ng Army Lady Troopers at Cagayan Valley Lady Ri­sing Suns.

May 66 excellent sets ang Air Force pero nasa­yang ito dahil 49 puntos lamang ang nakolekta nila sa 173 attacks.

Sa kabilang banda, ang Lady Troopers ay may 61 puntos mula sa 158 attempts at nakatulong pa ang magandang ipinakita ng mga di gaanong ginamit sa naunang yugto na sina Ginie Sabas at Joanne Bunag na nagsama sa 27 puntos.

Laro ng isang nagdedepensang kampeon ang ipinamalas ng Cagayan Valley para lumapit sa isang hakbang patungo sa championship round sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa.

May 64 puntos sa 151 attempts ang Lady Rising Suns sa kills at nabuhay uli ang opensa ni Janine Marciano na may 14 kills tungo sa 16 puntos.

Ang Turbo Boosters na pumangalawa sa quarterfinals, ay may 40 puntos lamang sa attacks mula sa 146 attempts.

Ang Game Two ay ga­gawin bukas at kung manalo ang PLDT at Air Force, ang deciding Game 3 ay gagawin sa Martes.

Ang Finals, na isang best-of-three series, ay sisi­mulan naman sa Huwe­bes.

Show comments