MANILA, Philippines - Mga batang bowlers ang nanguna sa 16 manlalaro, 8 lalaki at 8 babae, na palaban pa para sa Bowling World Cup national championships ngayon sa SM North Edsa.
Ang 18-anyos na si Enzo Hernandez ay gumawa ng nangungunang 5215 pinfalls matapos ang 24-laro para pangunahanan ang kalalakihan habang si Lara Posadas ay nakagawa ng 4071 para magdomina sa kababaihan.
Nasa ikalawang puwesto kay Hernandez, isang gold medalist sa Asian School Championships sa Malaysia, si Benshir Layoso na may 5163 puntos, kasama ang perfect game (300) sa 21st game.
Si Layoso at si Mades Arles ang kumatawan sa Pilipinas sa Bowling World Cup Finals noong nakaraang taon.
Ang paborito at dating World champion na si Biboy Rivera ang nasa ikatlong puwesto sa 5114 habang ang iba pang umabante ay sina Jay-Ar Tan (4935), Sammy Say Sy (4818), Jeff Carabeo (4809), Nicco Olaivar (4785) at Eric Aranes (4771).
Kapos kay Posadas ng 36 pins ang beteranang si Liza Clutario (4035) bago sumunod sina Rachelle Leon (3938), Liza Del Rosario (3918), Krizziah Tabora (3867), Arles (3733), Alexis Sy (3715) at Rochelle Munsayac (3673).
Bitbit ang mga scores, sasailalim pa sa single-round robin ang mga natitirang bowlers para madetermina ang mangungunang tatlong bowlers na sasabak sa stepladder finals.
Ang mananalo sa kalalakihan at kababaihan ang kakatawan sa international finals sa Wroclaw, Poland mula Nobyembre 1 hanggang 9.