Bombers, Blazers magpapalakas para sa semis

MANILA, Philippines - Magsisikap  ngayon ang Jose Rizal University Heavy Bombers para maipagpatuloy ang magandang ipinakita sa first round sa pagbangga uli sa Letran Knights sa 90th NCAA men’s basketball second round sa The Arena sa San Juan City.

Sa ganap na alas-2 ng hapon magtutuos ang dalawang koponan at mahala­gang manalo ang Bombers para manatiling nakakapit sa ikatlong puwesto.

May 6-3 baraha ang tropa ni coach Vergel Me­neses at nakadikit sa na­ngungunang San Beda at Arellano sa magkatulad na 8-2 baraha.

Angat lang ang Bom-bers ng isang laro sa pumapanglima na St. Benilde Blazers at Perpetual Help Altas na may magkatulad na 5-4 karta.

May posibilidad na magkasalo ang JRU at St. Benilde lalo na kung matalo ang una at manalo ang huli kontra sa Emilio Aguinaldo College Generals sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.

Tinalo ng host Heavy Bombers ang Knights sa unang pagtutuos, 69-60, pero mas palaban ang Letran ngayon lalo pa’t tumaas ang kanilang morale matapos pabagsakin ang nagdedepensang kam­peon Lions, 64-53, sa pagtatapos ng first round.

“First round lang ang natapos. May second round pa at dito ang tunay na labanan,” wika ni Me­neses na sasandal sa kamay ni Philip Paniamogan para umakyat pa sa team standings.

Galing ang Blazers sa masakit na 66-67 pagkatalo sa Arellano Chiefs sa pagtatapos ng unang ikutan pero determinado ang tropa ni coach Gabby Velasco na bumangon lalo pa’t ang Generals ang siyang unang koponan na nagpatikim sa kanila ng kabiguan sa liga, 72-81.

 

Show comments