Gilas mapapalaban agad sa Iran magkasama sa grupo sa ASIAD

MANILA, Philippines - Mapapalaban agad ang Pilipinas sa Asian Games men’s basketball matapos masama sa Iran sa isinagawang draw kahapon.

May 16 koponan ang maglalaban-laban sa kompetisyon sa Incheon, Korea ngunit ang top eight matapos ang 2010 edisyon sa Guangzhou, China ay dumiretso na sa second round.

Nasa Group E ang Pilipinas at Iran habang ang nagkampeon na China at Chinese Taipei ay nasa Group C. Ang Korea at Jordan ang nasa Group D habang ang Japan at Qatar ang bubuo sa Group F.

Mauunang maglalaro ang Mongolia, Hong Kong, Kuwait at Maldives sa Group A at Saudi Arabia, Kazakhstan, Palestine at India sa Group B.

Ang mangungunang dalawang koponan sa Group A at Group B ay isasama sa apat na pangkat para mag­karoon ng tig-tatlong koponan na magtutuos para sa puwesto sa knockout round.

Kamakailan ay pinangalanan ni Gilas coach Chot Reyes sina LA Tenorio, Gary David, Jeff Chan, Gabe Norwood, Junmar Fajardo, Japeth Aguilar, Ranidel De Ocampo, Marc Pingris, Jason Castro, Paul Lee, Jared Dillinger at naturalized NBA player Andray Blatche para balikatin ang laban ng Pilipinas.

Mahina ang bronze medal ang inaasahan sa Gilas sa Asian Games matapos pumangalawa sa Iran sa FIBA Asia Men’s Championship noong 2013 sa Pilipinas.

Malaki ang tsansa ng koponan na pumasok sa medal round dahil sa pagpasok ni Blatche na mas bata kumpara sa dating naturalized player na si Marcus Douthit.

Ang iba pang team sports na lalaruin sa Incheon at nagsagawa rin ng draw ay ang men’s rugby team na nakasama sa  Hong Kong at China sa Pool B.

Nasa Pool A ang Japan, Malaysia at Thailand habang nasa Pool C ang Korea, Sri Lanka, Chinese Taipei at India.

Maglalaban pa ang Pakistan, Lebanon at Saudi Arabia para malaman kung sino ang magiging ikatlong koponan sa Pool A at B.

 

Show comments