MANILA, Philippines – Halos dalawang linggo iikot sa iba’t ibang lugar sina Manny Pacquiao at Chris Algieri para i-promote ang kanilang laban sa Nobyembre 23 sa Macau.
Ayon sa Top Rank promotions, lilibot ang dalawang boksingero ng 12 araw sa Shanghai, San Francisco, Las Vegas, Los Angeles at New York.
Unang pupuntahan nina Pacquiao at Algieri ang Florence Ballroom ng The Venetian Macau kung saan din gagawin ang kanilang sagupaan.
Kinabukasan nito ay sa Ballroom C naman ng Sheraton Shanghai Pudong Hotel naman sa China haharap ang dalawa.
Magkakaroon naman ng media day sa Agosto 29 kung saan kasama nila ang San Francisco Giants sa AT&T Park sa San Francisco.
Kabilang din sa itinerary ng mga boksingero ang The Venetian Las Vegas (Agosto 30), Hyatt Regency Century Plaza Hotel sa Los Angeles (Setyembre 3) at sa Liberty Theatre sa New York City (Setyembre 4).
Magsasagawa rin ng ceremonial pitch si Pacquioa para sa laban ng Los Angeles Dodgers at Washington Nationals sa Dodger Stadium sa Setyembre 1.
Tangkang pabilibin ni Algieri ang mundo ng boksing sa kanilang paghaharap ng eight-division champion na si Pacquiao.