Fiba-Asia U18 championship Jordan durog sa Batang Gilas

MANILA, Philippines - Nag-aalab na panimula ang ipinakita ng Batang Gilas nang kanilang ilampaso ang Jordan, 85-60, sa pagbubukas ng kampanya sa FIBA Asia Under-18 Championship sa Al-Gharafa, Doha, Qatar kahapon.

Sina Ranbill Tongco, Joshua Andrei Caracut at Paul Desiderio ay nagsanib sa 26 puntos sa ikalawang yugto para pakawalan ng Pilipinas ang 30-13 palitan upang ang isang puntos na abante matapos ang unang yugto ay naging 44-26 kalamangan sa halftime.

Pinakamalaking kalamangan ng Pambansang koponan ay nasa 35 puntos na hatid ni Dave Wilson Yu sa magandang pasa ni Brandrey Bienes sa unang opensa sa huling yugto.

Lahat ng manlalaro ni coach Jamike Jarin ay pinag­laro at si Tongco ang nanguna sa koponan sa 24 puntos mula sa 11-of-17 shooting, kasama ang 2-of-3 sa 3-point line. Sina Caracut, Desiderio at Manuel Mosqueda ay mayroong 11, 10 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Ang slam dunk king ng FIBA World 3x3 na si Kobe Paras ay may anim na puntos, siyam na rebounds, tatlong steals at dalawang assists sa 21 minutong paglalaro.

Katabla ngayon ng Pilipinas ang Korea sa 1-0 sa Group B matapos kunin ng huli ang 95-38 panalo sa Jordan.

Ang Pilipinas at Korea ang magtutuos ngayon para sa liderato ng grupo.

 

Show comments