NANJING--Itinago ni Celdon Jude Arellano ang kanyang mukha sa kanyang mga kamay habang nakaupo sa isang plastik na silya sa pagtatapos ng kanilang kompetisyon sa Fangshan Shooting Hall.
Dismayado ang 16-anyos na Filipino shooter sa kanyang naging kampanya.
“Medyo masama,” wika ni Arellano na nagtapos sa 14th mula sa 20 competitors sa men’s 10-meter air rifle event ng Youth Olympic Games.
Pumutok si Arellano ng kabuuang 605.0 sa qualifications ngunit nabigong makapasok sa finals na nagtampok sa walong top eight shooters mula sa buong mundo.
Nagtala ang alaga ni Filipino shooting champion Nathaniel “Tac” Padilla ng 96.5, 102.2, 99.9, 102.7, 103.0 at 100.7.
Sa ensayo ay naglista siya ng 622.0, habang 609.8 sa Munich noong Hunyo at 611.9 sa Beijing noong Hulyo.
“Kulang sa conditioning. Sa shooting, pag kinabahan ka, manginginig ang hita mo,” ani Arellano.
Pinamunuan ni Haoran Yang ng China ang mga qualifiers sa kanyang 629.4 kasunod sina Hrachik Babayan (624.8) ng Armenia, Istvan Peni (624.2) ng Hungary, Shao-Chuan Lu (623.5) ng Taipei at Andrija Milovanovic (615.4).ng Serbia.
Si Yang ang kumuha sa gold medal sa kanyang 209.3 sa finals kasunod sina Babayan (204.3) at Peni (183.5).