Unahang makalapit sa finals Army vs Air Force; PLDT kontra Cagayan

Laro Ngayon

(The Arena, San Juan City)

2 p.m.  Army vs Air Force

4 p.m.  PLDT

vs Cagayan Valley

 

MANILA, Philippines - Mag-uunahan ang  apat na nakatayong koponan na lumapit ng isang hakbang papasok sa championship round sa pagsungkit ng panalo sa pagsisimula ngayon ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference semifinals sa The Arena sa San Juan City.

Ang Season 8 cham­pion Army Lady Troopers ay makikipagsukatan sa determinadong Air Force Air Spikers sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng pagtutuos ng nagdedepensang kampeon Cagayan Valley Lady Ri­sing Suns at PLDT Home Telpad Turbo Boosters.

Best-of three ang tagi­san sa yugto at ang mananalo ay magkakaroon ng pagkakataon na tapusin ang Final Four kung magwagi pa sa Linggo.

Kung magkaroon ng do-or-die game sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s, ito ay gagawin sa Martes (Agosto 26).

Ang Finals sa ligang suportado pa ng Accel at Mikasa ay inilagay din sa best-of-three series at ito ay itinakda sa Agosto 28, 31 at Setyembre 7 (kung ka­­kailanganin).

Lumabas na number one ang Lady Troopers matapos ang semifinals pero tiyak na bibigyan sila ng magandang laban ng Air Spikers matapos maghati sa kanilang dalawang pagkikita.

Galing din ang Air Force sa panalo sa Ateneo Lady Eagles sa playoff para patunayan sa lahat na determinado silang makuha ang kampeonato ng liga.

Sina Maika Ortiz, Joy Cases, Judy Ann Caballejo at May Ann Pantino ang mga magtutulong-tulong para maisantabi ang inaasahang matibay na laro nina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, Nerissa Bautista at Mary Jean Balse ng Army.

Ang championship experience ang sasandalan ng Lady Rising Suns para ipantapat sa mas malalim na puwersa ng Turbo Chargers.

Sina Aiza Maizo, Pau Soriano, Ma. Angeli Tabaquero at Joy Benito ang mga huhugutan ng lakas ng Cagayan na nakapasok sa semifinals kahit natalo sa unang apat na laro nang hiritan ng straight sets tagumpay ang Air Force.

Ang husay nina Sue Roces, Gretchel Soltones, Laurence Ann Latigay, Angela Benting at setter Rubie de Leon ang aasahan ng Turbo Boosters para mapangatawanan ang pagiging number two team matapos ang semis. (AT)

Show comments