MANILA, Philippines - Pagtatangkaan ng magkasalo sa liderato na San Beda Red Lions at Arellano Chiefs na buksan sa panalo ang kampanya sa second round sa pagharap sa magkahiwalay na asignatura sa pagbabalik ng 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Katipan ng four-time defending champion Red Lions ang nangungulelat na Mapua Cardinals sa alas-2 ng hapon habang ang Chiefs ay mapapalaban sa San Sebastian Stags sa alas-4 ng hapon.
Parehong may 7-2 karta ang bataan nina coach Boyet Fernandez at Jerry Codiñera at mahalaga na makuha ang panalo upang lumayo pa sa pumapangatlong host Jose Rizal University Heavy Bombers sa 6-3 karta.
Galing ang San Beda sa 53-64 pagkatalo sa kamay ng Letran Knights sa pagtatapos ng first round dahil wala ang batikang guard na si Baser Amer at center Ola Adeogun.
Si Amer ay may sakit habang suspindido si Adeogun dahil hindi nag-ensayo ng tatlong sunod.
“We’re starting out fresh. Ola will be playing today,” ani Fernandez na hiniritan ang Cardinals ng 89-55 panalo sa unang ikutan.
May 1-8 karta ang Cardinals at dapat ay nagawan na ni coach Fortunato Co ng paraan para mapataas ang kanilang pagpuntos at mapagtibay ang depensa.
Ang Mapua ang pangalawang pinakamahinang pumuntos sa 70.8 at pinakamasamang dumepensa sa ibinibigay na 82.6 puntos.
Tinalo rin ng Chiefs ang Stags, 96-86, para mapaborang manalo at mailista rin ang ikatlong sunod na panalo kasabay ng pagpapatikim sa Baste ng kanilang ikaanim na diretsong pagkatalo.
Si Jiovani Jalalon na naghahatid ng 13.56 puntos 6 assists at 3 steals, ang huling dalawang stats ay una sa departamento, ang mangunguna sa laban ng Arellano.