Banchero muling nagdomina
MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na araw ay nagpakitang-gilas si Fil-American guard Chris Banchero sa 2014 Gatorade PBA Draft Combine sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong.
Ngunit hindi rin nagpahuli ang mga Fil-Foreign players na sina Matt Ganuelas, Frank Bonifacio, Cody Tesoro at top draft prospect Stanley Pringle sa skills tests na isinagawa ni coach Bong Ramos.
Bumandera si Banchero sa apat sa limang challenges, habang nanguna si Ganuelas sa isang skills test sa naturang two-day rookie camp na sinalihan ng 85 sa record na 95 draft applicants.
Ang mga hindi sumipot ay sina Justine Matthew Alano, Keith Jasper Agovida, Arnold Adormeo, Jeremy Bartolo, Philip Coronel, Ritchie Gutierrez, Michael Juico, Flavio Liaz at Jonathan Semira.
Magtatakda naman ang PBA ng espesyal na skills test para kay Filipino boxing superstar Manny Pacquiao, ang head coach ng Kia Motors na nagsumite ng kanyang aplikasyon para sa 2014 PBA Draft.
Si Banchero ay namuno sa maximum vertical leap (68.32 inches), lane agility (8.33 seconds), shuttle run (16.57 seconds) at three-fourth court sprint (2.91 seconds).
Noong Lunes ay nanguna rin ang dating ABL Finals MVP ng San Miguel Beermen sa standing vertical leap (33.73). Ngunit ito ay binura nina Ganuelas (36.18), Allan Tria (34.29) at Pringle (33.87) sa ikalawang araw.
Nakatakda ang 2014 PBA Draft sa Agosto 24 sa Robinson’s Place Manila.
- Latest