MANILA, Philippines - Hangad ng Gilas Pilipinas, nagmula sa nakakadismayang kabiguan sa Australia at Ukraine sa pocket tourney sa France, na makakabangon sila sa pagsagupa sa Euzkadi sa una sa lima nilang tune-up matches para sa 2014 FIBA World Cup na nakatakda sa Agosto 30 hanggang Setyembre 14 sa anim na siyudad sa Spain.
Lalabanan ng Nationals ang Basque Country autonomous team sa ganap na alas-8:30 ng gabi sa Polideportivo J.A. Gasca, San Sebastian.
Ang Euzkadi ang pinakamagaan na koponang makakaharap ng Gilas Pilipinas sa kanilang limang tune-up games para sa world meet.
Susunod na haharapin ng mga Filipinos ang Angola sa Agosto 21 sa San Sebastian, ang Mexico sa Agosto 23 sa Vittoria, ang Dominican Republic sa Agosto 24 sa Guadalajara at ang Egypt sa Agosto 25.
Ang Basque Country team ay walang kaugnayan sa FIBA at nakikipaglaro lamang sa mga FIBA teams.
Ang iba pang Spanish autonomous teams ay ang Aragon, Asturias, Balearic Islands, Cantabria, Castile at Leon, Catalonia at Galicia.
Nanggaling ang Gilas Pilipinas sa 64-114 pagyuko kay longtime NBA coach Mike Fratello at sa kanyang Ukraine team sa pagtatapos ng Antibes basketball tournament noong Linggo.
May 11 araw lamang si coach Chot Reyes at ang Nationals para matuto ng kanilang leksyon.
“Wish we could've ended our France stint on a higher note but that's exactly why we play these games,” sabi ni Gilas assistant coach Josh Reyes sa kanyang Twitter account.
“Got to keep learning and keep on playing teams that are much better than us so that we can have a chance to reach their level.”
Ang lahat ng koponang lalabanan ng Gilas Pilipinas sa WC Group B ay mas mataas ang ranggo kumpara sa Ukraine sa FIBA world ranking.
Ang Argentine ay No. 3 sa likod ng USA at Spain, habang ang Greece ay No. 5, ang Croatia ay No. 16, ang Puerto Rico ay No. 17 at ang Senegal ay No. 41.
Ang Pilipinas ay No. 34.