NANJING, China - Determinado si Filipino shooter Celdon Jude Arellano na maipakita ang galing laban sa mga bigating katunggali sa pagsalang sa aksyon ngayon sa Youth Olympic Games dito.
Sa Fangshan Shooting hall gagawin ang men’s 10-meter air rifle event at walang kabang nararamdaman si Arellano dahil karamihan sa kanyang makakalaban ay nakita at nakaharap na niya.
Nangyari ito noong sumali ang 17-anyos shooter sa World Cup sa Munich noong Hunyo at sa Beijing noong Hulyo.
“We’ve been here for six days now but it’s still have to say what might happen here,” wika ni Arellano na produkto ng grassroots program na pinasimulan ni Nathaniel “Tac” Padilla.
Ang mga nakikitang matinding kalaban ni Arellano ay ang shooters ng host China, Italy, Hungary, Serbia at Japan.
Hindi rin kapos sa suporta ang shooter dahil mismong si Padilla ang nangangalaga sa kanya.
Ibinili siya ng baril ni Padilla habang hinihintay ang kagamitan mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
“He’s young and he has the skills to become a champion someday. He needs our support,” wika ni Padilla.
Kasama ni Arellano na naghahanda ay ang coach na si Julius Valdez at lalo pang tataas ang kanyang morale sa araw ng labanan dahil sa suportang ibibigay ng mga pangunahing sports officials sa pangunguna nina POC president Jose Cojuangco Jr. at PSC chairman Ricardo Garcia.
“I’m sure he’s (Arellano) eager to compete by now and give his best,” pahayag ni Cojuangco.