95 rookies aspirants makikilatis ngayon
MANILA, Philippines - Sasailalim ang record na 95 draft aspirants sa biometrics, skills tests at scrimmages sa Gatorade PBA Draft Combine ngayon at bukas sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong City.
Hahatiin sa dalawang grupo ang mga aplikante sa kanilang draft combine na sisimulan sa ganap na alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Matapos ang dalawang araw na aktibidad ay ihahayag ng PBA ang official list para sa 2014 Rookie Draft na nakatakda sa Agosto 24 sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Hindi matutunghayan si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao, ang tatayong head coach ng Kia Motors, sa draft combine dahil may espesyal na araw na itinakda para sa kanya.
Kabuuang 15 Fil-foreign players ang nasa listahan.
Ang mga ito ay sina Stanley Pringle, Philip Morrison, Jeremy Bartolo, Jonathan Semira, Richard Cole, Anthony Gavieres, Giorgio Umali, Franklin Bonifacio, Kyle Pascual, Andrew Avillanoza, Chris Banchero, Rome de la Rosa, David Semerad at Anthony Semerad.
Ang 6-foot-1 na si Pringle ang hihirangin ng Globalport bilang No. 1 overall pick matapos magkausap para sa magiging kontrata ng dating manlalaro sa Asean Basketball League (ABL).
Inaasahan ding makukuha sa first round si Banchero at sina NLEX stars Kevin Alas, Matt Ganuelas, Ronald Pascual at Jake Pascual.
Nasa hanay din ng mga aplikante ang magpinsang Gab at Jonathan Banal ng Mapua, Frank Golla ng Ateneo, Prince Caperal ng Arellano, Mark Romero ng St. Benilde, Jess Villahermosa ng San Beda at Raul Soyud ng UP.
Kasama rin si Ritchie Paul Gutierrez, ang anak nina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama.
- Latest