MANILA, Philippines - Nanalo si GM Eugene Torre habang naitabla ni GM John Paul Gomez ang patalong laro para mauwi sa 2-2 tabla ang laro laban Canada sa pagtatapos ng 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway kahapon.
Ginamit ng 62-anyos na si Torre ang paboritong Torre Attack para manaig kay IM Leonid Gerzhoy matapos ang 48 moves sa board three habang si Gomez ay nakakuha ng tabla matapos ang 82 moves ng Ruy Lopez upang tulungan ang Pilipinas na tumapos sa 46th puwesto.
Tumabla si GM Julio Catalino Sadorra kay GM Anton Kovalyov sa 38 moves Nimzo-Indian Defense sa board one habang si GM Jayson Gonzales ay natalo kay GM Bator Sambuev sa 42 moves ng Queen’s Pawn Game.
Natalo naman ang women’s team sa Belgium, 3-1, para malagay sa ika-64th place tangan ang 11 puntos.
Ang China nanalo ng titulo sa kalalakihan at ang Russia sa kababaihan.