MANILA, Philippines - Para sa Philippine national basketball team ang Spain ay para na ring ta-hanan ng Gilas Pilipinas kung saan sila maglalaro sa FIBA World Cup simula sa Agosto 30 matapos ang 36-taong pagliban.
Higit-kumulang sa 5,000 Filipinos ang inaasahang susugod sa 7,000-seat Palacio Municipal de Deportes San Pablo sa Seville para sa Group B round-robin competition na binubuo ng Pilipinas, Croatia, Greece, Argentina, Puerto Rico at Senegal.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Spain Carlos Salinas na halos 40,000 hanggang 50,000 Filipinos ang naninirahan sa Spain at plano niyang hikayatin ang mga residente na suportahan ang Gilas sa Seville.
Kung papasok ang koponan sa top four ng Group B ay aabante sila sa susunod na round sa Madrid.
Para ipakita ang kanilang suporta, dalawang bus na puno ng mga Filipino, habang ang iba ay may sariling kotse ang nagtungo sa Municipal Multi-Sport Center of Mendizorrotza sa Vitoria-Gesteiz para sa laro ng Gilas laban sa Spanish league ACB (Asosacion de Clubs de Baloncesto) selection noong Linggo.
Halos 100 Filipinos ang nanood sa 89-58 panalo ng Nationals.
Ang grupo na bumuo sa mga Pinoy ay ang SIKAP o ang Samahan Sa Ika-Uunlad Kapatiran at Pag-Asa, isang Filipino organization sa Basque country.
Si Analyn Eligado Sirot ng Muñoz, Nueva Ecija ang nanguna.
Ang 33-anyos na si Sirot ay nagtatrabaho sa Spain sa nakaraang pitong taon at naninirahan ngayon kasama ang asawang si Edwin at kanilang mga anak na sina Angela Eunice, 13, at Grazielle Anne, 11.
Nagtatrabaho ang mga Sirots sa isang restaurant.