DUBAI- Hindi nakayanan ng Philippine Team ang lakas ng nagdedepensang United States para sa kanilang 64-124 pagyuko sa FIBA U17 World Championship noong Lunes ng gabi sa Al Ahli Arena dito.
Naging mainit ang mga kamay nina Terrance Ferguson at Josh Jackson, habang wala namang nakapigil kina Diamond Stone at Henry Ellenson sa shaded lane para sa US.
Nagtayo ang Americans ng isang 29-point halftime lead laban sa Batang Gilas.
At mula rito ay hindi na nila nilingon ang mga Pinoy.
Pinangunahan ng United States ang Group A sa kanilang 3-0 record na kabaligtaran sa 0-3 baraha ng Batang Gilas.
Tumipa si Jolo Mendoza ng 19 points kasunod ang 12 ni Jollo Go at 10 ni Richard Escoto para sa Batang Gilas na nakatakdang labanan ang France sa isang knockout match na magdedetermina sa papasok sa quarterfinalis.
Ibinaon ng Americans ang Filipinos sa 61-32 sa halftime, ngunit pinuri pa rin ni Team USA coach Donald Showalter ang Batang Gilas.