MANILA, Philippines - Bubuksan ng Centro Escolar Univesity ang pagdepensa sa titulo sa pagbangga sa matikas ding St. Clare sa pagsisimula ng 14th NAASCU men’s basketball ngayon sa Makati Coliseum, Makati City.
Ang laro ay mapapanood matapos ang opening ceremony sa ganap na alas-9:30 ng umaga na kung saan sina POC chairman Tom Carrasco Jr., at GAB commissioner Fritz Gaston ang siyang mga guest speakers.
Si NAASCU chairman Dr. Jay Adalem ang maghahatid ng paunang pananalita habang ang bagong pangulo na si Dr. Ray Adalem ng host St. Clare ang magsasagawa ng oath of office.
Isa rin sa aabangan sa seremonya ang ipakikitang sayaw ng Saints dancers bukod sa tagisan para sa Mr. at Ms. NAASCU.
Gagawaran din ng plaque of membership ang Rizal Technological University habang ang mga dating presidente ng liga na sina Dr. Jay (2001-2013) at Dr. Vic Santos (2013-2014) ay bibigyan din ng award.
Si St. Clare player Jan Acebron ang mangunguna sa Oath of Sportsmanship habang si Dr. Ray ang siyang magdedeklara na bukas na ang aksyon sa basketball.
Bago ang opening ay magsusukatan muna ang New Era at City University of Pasay sa ganap na alas-8 ng umaga habang ang ikatlo at huling laro ay sa hanay ng Our Lady of Fatima at Rizal Technological University.