Pinay chessers wagi sa Egypt
NORWAY -- Sumosyo ang Philippine women’s team sa pang-23 matapos talunin ang Egypt, 3-1, habang yumukod ang men’s squad sa Belgium, 1.5-2.5, sa seventh round ng 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway noong Sabado.
Sumulong ng magkakahiwalay na panalo sina Janelle Mae Frayna, Jan Jodilyn Fronda at Catherine Perena laban kina WGM Shrook Wafa, Ayah Moaataz at Sohayla Abdelmenae, ayon sa pagkakasunod.
Natalo naman si top board player Chardine Camacho kay WGM Khaled Mona sa 58 moves.
Nauna nang winalis ng mga Pinay ang United Arab Emirates noong Biyernes.
Nakatakda nilang labanan ang Mongolians sa eighth round ng nasabing 11-round biennial meet.
Nalasap naman ng men’s team ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo sa mga kamay ng Belgians.
Yumukod si IM Paulo Bersamina kay IM Stefan Docx sa 48 moves ng isang Torre Attack.
Nakapuwersa naman ng draw sina GMs Julio Catalino Sadorra, John Paul Gomez at Eugene Torre laban kina GMs Luc Winants at Bart Michiels at IM Tanguy Ringoir, ayon sa pagkakasunod.
Nalaglag ang mga Pinoy sa ika-76 puwesto.
- Latest