MANILA, Philippines - Inangkin ng Army Lady Troopers ang unang silya sa semifinals nang bumangon sa pagkatalo sa naunang dalawang sets para sa 22-25, 19-25, 25-21, 25-14, 15-7 tagumpay sa National University Lady Bulldogs sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Binuhay nina Jovelyn Gonzaga at Rachel Ann Daquis ang malamyang panimula para manaig sa larong tumagal ng isang oras at 48 minuto para tiyakin ang puwesto sa susunod na round tangan ang 8-2 karta.
Si Gonzaga ay may 17 kills tungo sa 21 puntos bukod sa 10 digs, habang si Daquis ay may 12 kills, tatlong blocks at limang aces tungo sa 20 puntos.
May 12 si Nerissa Bautista, habang si Christine Agno ay may 18 digs para mapigil ang mga atake ng Lady Bulldogs na namaalam na sa liga sa ika-pitong pagkatalo matapos ang 10 laro.
Sinelyuhan naman ng Air Force Raiders ang playoff para sa huling upuan sa semifinals sa pamamagitan ng 25-21, 22-25, 17-25, 28-26,15-8 panalo sa PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa unang laro.
Si Maika Ortiz ay may 19 puntos sa 15 kills at 4 blocks at ang huling block at atake ang tumapos sa fifth set upang maiangat ng Air Force sa 7-4 ang baraha sa ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s at may ayuda ang Accel at Mikasa.