MANILA, Philippines - Kilalanin ang ilan sa mga personalidad na humubog sa lokal na larangan ng palakasan at nagbigay-karangalan sa bansa sa isang television special ng GMA News TV na pinamagatang “Gabi ng Pagpupugay.”
Ipapalabas ang special ngayong Linggo, August 10, sa ganap na alas-5 ng hapon sa GMA News TV Channel 11.
Kabilang sa mga atletang itatampok ay sina Anthony Villanueva, ang kauna-unahang Filipino Olympic medalist sa boxing noong 1964 Tokyo Olympics; Teofilo Yldefonso, ang unang Filipino Olympic medalist sa swimming sa 1928 Amsterdam Olympics; Pancho Villa, ang unang world boxing champion sa Asia; Eugene Torre, ang unang Grand Master ng chess sa Asia; Paeng Nepomuceno, three-time Guiness World Record holder at six-time World Bowling Champion at si Lydia de Vega, ang Asia’s sprint queen at two-time Olympian para sa track at siya ring kumatawan sa bansa noong 1984 Los Angeles Olympics at 1988 Seoul Olympics.
Bibigyang-karangalan sa “Gabi ng Pagpupugay” ang ilan sa mga pinakamahuhusay na atleta sa bansa sa kasalukuyan na naging bayani dahil sa kanilang pagsisilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino.