Batang Gilas dadaanin sa bilis ang mga higanteng kalaban

MANILA, Philippines - Dadaanin sa bilis ng national U17 team ang laro para maisantabi ang kakulangan ng height  tungo sa asam na panalo sa bawat laban na haharapin sa FIBA U17 World Championship na nagbukas kahapon sa dalawang palaruan sa Dubai, United Arab Emirates.

Ang pinakamalaking manlalaro sa Batang Gilas ay sina Carlo Abadeza at Richard Escoto na may taas lamang na 6’3 habang ang limang players ang nasa 5’7 pataas para magkaroon lamang ng average  height na 6-feet.

“We need to run,” wika ni coach Jamike Jarin. “Against tall teams, we really don’t want to see them play in a slow set game.”

Dapat ding harapin agad ang mga kalaban habang binababa pa lamang ng mga ito ang bola.

May 16 bansa ang kasali sa ikatlong edisyon ng torneo at ang Pilipinas na pumangalawa sa China sa FIBA Asia championship para makakuha ng ticket, ay nasa Group A  kasama ang Angola, Greece at back-to-back defending champion USA.

Kalaban ng Pilipinas kagabi ang Angola bago isunod ang Greece ngayon at ang USA sa Lunes.

Sa Al Ahli Arena ang laro ng Pilipinas at sinasandalan din ng koponan ang suporta ng mga Pinoy OFW para tumaas pa ang kanilang morale.

Walang matatanggal sa mga kasali sa yugtong ito at posibleng makalaban ng Pilipinas sa knockout round ang alinman sa Japan, France, Canada o Australia na nasa Group B.

Show comments