MANILA, Philippines - Mula sa Miami, Florida ay magtutungo ang Gilas Pilipinas sa Vitoria, isang three-hour car ride mula sa Madrid, Spain kung saan nakatakdang magdaos ang koponan ng ilang serye ng tune-up games bago ang FIBA World Cup na magsisimula sa Agosto 30, para sa kanilang training camp.
Maninirahan ang Gilas sa Jardines de Uleta Suites hotel.
Ang Vitoria ay isang sports hub at triathlon haven na may tatlong basketball arenas, dalawang private at dalawang public sports clubs at 15 multi-sport centers.
Nagsanay ang US team sa Vitoria para sa World Swimming Championships noong nakaraang taon.
Ayon kay Gilas team manager Aboy Castro, ang practice game sa Angola ang posibleng hindi na maitakda dahil hindi pa nakakakuha ang African national team ng visas.
Isang tune-up sa Canada ang pinaplantsa para sa Biyernes sa Lugo, Spain.
Nakatakdang sumali ang Gilas sa pocket tournament sa Antibes, France sa Agosto 15-17. Ang torneo ay idaraos sa 5,500-seat na Azur Arena.
Kumpirmadong maglalaro ang Australia, Turkey, France at Pilipinas.
Inimbitahan din si Patrick Beesley, ang director ng French national team at general director ng French Basketball Federation kagaya nina SBP president Manny V. Pangilinan, Australia president Kristina Keneally at Turkey president Turgay Demirel.
Maglalaro rin ang Gilas sa isa pang pocket tournament sa San Sebastian, isang two-hour drive mula sa Vitoria, at mga practice games sa Guadalajara.
Plano ng delegasyon na dumating sa Seville dalawang araw bago ang pagsisimula ng FIBA World Cup.
Maninirahan ang Gilas sa 295-room Barcelo Renacimiento Hotel sa Seville kasama ang mga Group B teams na Croatia, Greece, Argentina, Puerto Rico at Senegal.
Sa Miami, naglaro ng dalawang beses ang Gilas.
Nabasura ang planong pakikipaglaro ng koponan sa University of Miami varsity, ang coach na si Jim Larranaga ay naging gabay ng George Mason University sa NCAA Final Four noong 2006 kasama si Gabe Norwood, dahil sa mahigpit na NCAA rules ukol sa mga offseason games.
Dalawang beses binigo ng Gilas ang pro-am Elev8 squad, 95-74 at 93-84.
Ayon kay Castro, impresibo ang ipinakita ni naturalized player Andray Blatche sa nasabing dalawang laro.