MANILA, Philippines - Isang buwang pagsasanay sa Turkey ang sasandalan ng Philippine Karatedo Federation para makapaghatid ng medalya ang anim na karatekas na sasali sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Sina 2013 SEA Games gold medalist Ramon Antonio Franco at Mae Soriano na kakatawan sa -55 kilogran divisions sa kalalakihan at kababaihan ang mangunguna sa delegasyon.
Makakasama nila sina Mabel Gay Arevalo (-50kgs.), Princess Diane Sicango (-61kgs.) at Joanna Mae Ylanan (-68kgs.) sa kumite at Orencio delos Santos sa men’s individual kata.
Si Soriano na naglaro noong 2010 Asian Games sa Guangzhou, China, ay isang silver medalist sa Myanmar SEAG habang nag-uwi ng bronze si Ylanan sa nasabing regional meet.
Aalis ang delegasyon na bubuuin din ni coach David Lay sa linggong ito at magtatagal sila sa Turkey hanggang Setyembre 9.
Balak din ng PKF na isali ang Pambansang koponan sa isang torneo sa Istanbul sa Setyembre 6 at 7 para makita ang buti sa ginawang pagsasanay.
Hindi pa nananalo ang Pilipinas ng gintong medalya sa Asian Games sa contact sport na ito pero kumabig na ng isang pilak na naihatid ni Marna Pabillore sa women’s-53 kgs. division noong 2006 sa Doha Qatar.
May isang bronze pa ang Pilipinas sa Doha at nanalo rin ng tig-dalawang bronze medals noong 2002 Busan at 1994 Hiroshima Games.
Walang naiuwing medalya ang ipinanlaban sa Guangzhou at ito ang pagsisikapang tabunan sa Incheon.