MANILA, Philippines - Binutata ni Dioncee Holts ang malapitang tira ni Ford Ruaya para hindi masayang ang paghihirap ng kakamping si Keith Agovida sa 63-62 panalo ng Arellano sa Letran sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ikaanim na panalo sa walong laro ang nailista ng Chiefs at nakabawi sila sa 98-99 triple-overtime pagkatalo sa kamay ng Jose Rizal University sa huling laro para dikitan pa ang pahingang nagdedepensang kampeon San Beda Red Lions (6-1).
“Alam namin na hindi basta bibigay ang Letran kaya malaki ang ginawa nina Keith at Dioncee,” wika ni Chiefs coach Jerry Codiñera.
Tumapos si Agovida taglay ang 14 puntos at inangkin niya ang huling anim na puntos ng koponan.
May limang rebounds pa si Agovida at ang huli, isang offensive rebound sa sariling mintis, ang nagbigay ng isang puntos na kalamangan sa Arellano sa huling 1:30 ng labanan.
Nagpalitan ng mga mintis at errors ang magkabilang koponan sa sumunod na plays at sinuwerte pa ang Knights na mapunta ang bola sa kanila sa huling 12.8 segundo matapos ang travelling violation ni John Pinto.
Naispatan ni Kevin Racal ang nalibre sa ilalim na si Ruaya pero hindi niya agad nasalo ang pasa.
Dahil dito, nakahabol si Holts at sinupalpal si Ruaya. Nagkagulo sa loose ball ang Knights at Chiefs at natapos ang laro na hindi na naka-attempt pa ang Letran para bumaba sa 2-5 baraha.
Si Holts ay may siyam na puntos tulad ni Pinto habang si Jiovani Jalalon ay may 13 bago na-foul out sa kalagitnaan ng huling yugto.
Sina Racal at Mark Cruz ang nagdala uli sa laban ng Knights sa kanilang 14 at 12 puntos.
Sinaluhan ng Emilio Aguinaldo College Generals ang Knights sa ikawalo at siyam na puwesto nang pabagsakin ang Mapua Cardinals, 89-78, sa ikalawang laro.
Iniwanan agad ng Generals ang Cardinals sa unang yugto, 24-12, at kahit natapyasan ang bentahe sa pito matapos ang ikatlong yugto, 61-54, hindi nagawang isuko ng Generals ang laban dahil sa 12 sa 20 puntos ni Jan Jamon sa huling yugto.
Ang panalo ay pumigil sa limang sunod na kabiguan ng bataan ni coach Gerry Esplana kasabay ng pagpapatikim sa Cardinals ng ikapitong kabiguan sa walong laro
Arellano 63 - Agovida 14, Jalalon 13, Pinto 9, Holts 9, Enriquez 8, Nicholls 3, Gumaru 2, Palma 2, Caperal 2, Hernandez 1, Salcedo 0.
Letran 62 - Racal 14, Cruz 12, Nambatac 9, Ruaya 8, Publico 7, Dela Peña 4, Castro 3, Gabawan 3, Singontiko 2.
Quarterscores: 8-16; 31-34; 48-49; 63-62.
EAC 89- Tayongtong 23, Jamon 21, Happi 17, Onwuberre 10, Aguilar 8, Arquero 4, Mejos 3, Santos 2, Pascual 1.
Mapua 78- Eriobu 19, Biteng 16, Isit 12, Gabo 9, Estrella 7, Saitanan 6, Serrano 5, Cantos 4, Laenor 0.
Quarterscores: 24-12, 43-33, 61-54, 89-78.