Manila softbelles handang-handa na sa laban sa World Series

MANILA, Philippines - Para mapaghandaan ang 2014 World Series Girls Big League Softball Championship, ang Team Manila ay sumailalim sa anim na training sessions sa loob ng tatlong araw sa magkakaibang lugar sa Los Angeles.

Binubuo ng manlalaro mula sa UST, National Univesity, UE at Adamson, ang koponan ay magtatangka na mabawi ang titulong napanalunan dalawang taon na ang nakalipas.

Kasama sa koponan sina Mary Ann Antolihao, Roxzell Pearl Niloban, Lovely Dyan Arago at Christy Joy Roa na naunang naiwan sa Pilipinas matapos mahuli ang kani-lang mga entry visa.

Ang pagsasanay ay ginawa sa Artesia Park sa Cerritos, Citrus College sa Glendora at University of La Verne sa County at ang mga natutunan ay magagamit ng softbelles sa pagsisimula  ng kompetisyon sa Agosto 4 sa Pyles Center sa Sussex, Delaware.

Sa Agosto 5 magbubukas ng kampanya ang Team Manila sa Pool A kontra sa San Juan-Puerto Rico ng Latin America.

Ang iba pang kasama sa Pool A ay ang  Florida at dalawang koponan mula sa host Delaware.

Show comments