Pinas nakuntento sa 2nd place

MANILA, Philippines - Hindi umubra ang ta­lento ng mga Filipino cue-artists sa determinasyon ng Chinese pool players nang daigin ng huli ang una para tanghaling kampeon sa 2014 World Pool Team Championship na natapos kahapon na pinaglabanan sa Tongzhou, Luhe High School sa Beijing, China.

Ang tambalang Liu Haitao at Liu Shasha ang siyang sinandalan ng host country nang manaig kina Carlo Biado at Rubilen Amit sa 10-ball mixed double sa klasikong 7-5 panalo.

Ito ang nagbigay ng  ika­apat na panalo sa anim na laro sa China 2 para angkinin din ang $80,000.00 premyo.

Agad na umarangkada ang China sa 3-0 matapos manalo si Liu kay Dennis Orcollo, 6-4, sa 8-ball men’s singles; Wang Can at Dang Jinhu kina Biado at Corteza, 6-2, sa 8-ball doubles at Jinhu kay Corteza, 8-5, sa 9-ball men’s singles.

Pero nabuhayan ng loob ang Pilipinas matapos manalo si Rubilen Amit kay Fu Xiaofang, 8-4, sa 9-ball women na nasundan ng  7-5 panalo ni Orcollo kay Wang para sa 2-3 iskor.

Kailangang manalo sina Biado at Amit para mapaabot sa shootout ang laban bagay na hindi nila nagawa para tanggapin ng Pilipinas ang  ikalawang runner-up na pagtatapos matapos malagay sa ganitong puwesto sa unang edisyon noong 2010.

Pampalubag-loob sa tinapos ng Pambansang bilyarista ang $10,000.00 premyo.

Nakapasok sa final round ang Pilipinas nang walisin ang China I (4-0) na binuo nina Wu Jiaqing, Chu Bing Chia, Li He Wen at Han Yu.

Hindi naman binigo ng Team 2 ng China ang pag-asa na may lumaban para sa host nang hiritan ng 4-2 panalo ang Japan na kinatawan nina Naoyuki Oi, Sasaaki Tanaka, Hayato Hijikata at Chichiro Kawahara.

 

Show comments