12 teams na ang nagkumpirma sa D-League
MANILA, Philippines - Nasa 12 koponan ang posibleng maglalaban-laban para sa PBA D-League Aspirants’ Cup na magbubukas sa Oktubre 27.
Ang bilang na ito ay lumabas matapos ang pinal na araw para magpadala ng letter of intent ang mga nais na sumali sa unang conference ng liga.
Ang mga founding members na Café France, Boracay Rum at Cebuana Lhuillier ay babalik kasama ng Cagayan Valley at Jumbo Plastic.
Ang iba pang sasali ay ang Lyceum, Racal Motorsales Corp., San Sebastian College, Metro Pacific Investment Corp., Wangs Basketball, AMA University at MP Hotel na pag-aaari ni Pambansang kamao Manny Pacquiao.
Ang deadline ay itinala noong Hulyo 30 at masaya si commissioner Chito Salud sa mainit na pagtugon ng mga koponan sa liga.
“We’re happy with the turnout,” wika ni Salud. “I assure our D-League fans that this season will be as interesting and as exciting as the previous conference.”
Balanse ang magaganap na labanan dahil hindi na kasali ang six-time champion NLEX Road Warriors at one time champion Blackwater Sports na umakyat na sa PBA.
Ang opisyal na talaan ng mga magtutunggali ay malalaman matapos ang Setyembre 1 deadline para magbayad ang mga koponan ng tournament fee.
Ang Lyceum, Racal Motorsales Corp, San Sebastian, Metro Pacific Investment Corp., at AMA University ay nagpasabi rin na mga school based teams ang kanilang ipanlalaban.
Ang Rookie Draft ay gagawin sa Setyembre 16 at ang mga baguhang manlalaro ay puwedeng magpatala hanggang Agosto 22 para sa mga Fil-foreigners at sa Agosto 28 para sa locals.
- Latest