MANILA, Philippines - Hindi mangangahulugan na mawawala na ang tiwala ng pamunuan ng Adamson kay coach Kenneth Duremdes matapos ang masamang ipinakita sa kanilang huling laro sa 77th UAAP men’s basketball noong Huwebes.
“UAAP has just started and we are confident na makaka-bounce back sila,” wika ni Adamson board representative Malou Isip.
Nailagay ang Falcons sa talaan ng liga bilang koponan na nakagawa ng pinakamababang iskor at field goal shooting sa 25-62 pagkadurog sa National University Bulldogs.
Alam ng management bago nagsimula ang liga na mahirap ang gagawing kampanya ng koponan dahil bukod sa baguhan ang kanilang coach sa katauhan ni Duremdes ay marami rin ang baguhan dahil sa pag-graduate nina Roider Cabrera, Rodney Brondial at import Ingrid Sewa at ang di pagbalik ni high-scoring guard Jericho Cruz.
“Disappointing ang nangyari but we understand that the team is rebuilding and majority are rookies. We just hope na hindi na ito maulit,” dagdag ni Isip.
Kahit si Duremdes ay hindi pinanghihinaan ng loob matapos ang pangyayari.
“We attempted 44 times and shot just 17 percent. That is the reason kung bakit 25 points lang kami,” wika ni Duremdes.
Tiniyak pa ni Duremdes na naroroon pa rin ang pasensya ng buong coaching staff at hindi magsasawa na turuan ang mga batang manlalaro para humusay sa liga.
“These kids need more motivation and patience. At this point in time, kailangang. makita nila na we are not giving up on them. We are going to continue teaching our young players, we will not stop,” ginagarantiya pa ni Duremdes.