Pinas winalis ang Indons, pasok sa quarters

MANILA, Philippines - Binokya ng Pilipinas ang Indonesia, 4-0, para pu­masok na sa quarter­finals ng 2014 World Pool Team Championship na ang knockout round ay nagsimula kahapon sa Tongzhou Luhe High School sa Beijing, China.

Hindi natalo sa tatlong laro sa Group A sa group eliminations, sina Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Carlo Biado at Rubilen Amit ay nangibabaw kina Bewi Simanjuntak M. Bewi, Rudy Susanto, Muhammad Fadly at Silvana para mamahinga na ang Indonesia.

Si Orcollo ay nanalo sa 8-ball singles sa 6-0 iskor habang sina Corteza at Biado ay umukit ng 6-5 panalo sa 8-ball doubles.

Kinuha pa ng Pilipinas ang 9-ball men’s singles at women’s singles para makumpleto ang sweep sa laro sa Last 16.

Tiyak na mapapalaban ang Pilipinas sa quarterfinals dahil kalaban nila ang nagdedepensang kampeon Chinese Taipei.

Nanaig ang galing nina Chang Jun Lin, Ko Pin Yi, Hsu Kai Lun, Fu Che Wei at Chou Cheih Yu, kina Albin Ouschan, Tong He Yi, Jurgen Jenisy, Thomas Knittle, Jasmin Ouschan at Sandra Baumgartner sa 4-2 iskor.

Ang dalawang koponan ng host China ay nanalo rin bukod pa sa Poland, Great Britain, Germany at Japan patungo sa Last 8.

 

Show comments