MANILA, Philippines - Si Japeth Aguilar ng Gilas Pilipinas ang napili ni Asian Games Chief of Mission Ricardo Garcia para siyang maging flag bearer ng Pambansang delegasyon sa Incheon, Korea.
Nagsagawa ng sariling survey si Garcia at lumabas na marami ang pabor na ang 6’9 manlalaro rin ng Barangay Ginebra ang siyang magdala ng bandila ng bansa sa opening ceremony sa Setyembre 19.
“I asked around and Japeth’s name kept on coming up. I think he is deserving to be our flag bearer,” wika ni Garcia na siya ring chairman ng Philippine Sports Commission (PSC).
Si Aguilar ay nasa US kasama ang buong koponan para magsanay hindi lamang para sa 17th Asian Games kundi para sa paglahok din ng bansa sa FIBA World Cup sa Spain mula Agosto 30 hanggang Setyembre 14.
Sa koponan ng basketball kumuha si Garcia ng magiging flag bearer bilang pagkilala sa naabot na silver medal sa FIBA Asia Men’s Championship noong 2013 na ginawa sa Pilipinas.
Dahil sa medalyang ito, ang Pilipinas ay makakalaro uli sa FIBA World Cup na huling nangyari noon pang 1978 nang ito ay ginawa sa bansa.
Ang Pambansang delegasyon ay bubuuin ng 152 atleta na magbabalak na higitan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na bronze medal na naiuwi sa 2010 Guangzhou China Games.