Cagayan ikakamada ang 3-way tie vs Ateneo
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. UP vs PNP
4 p.m. Cagayan vs Ateneo
MANILA, Philippines - Wakasan ang aksyon sa elimination round bitbit ang apat na sunod na panalo ang nais gawin ng nagdedepensang kampeon Cagayan Valley Lady Rising Suns sa pagharap sa Ateneo Lady Eagles sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Ito na ang huling araw ng elims sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at suportado pa ng Accel at Mikasa at ang makukuhang panalo ng Cagayan sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon ay magtutulak sa koponan na makasama sa mga nangungunang teams.
Ang pahingang PLDT Home Telpad Turbo Boosters at Army Lady Troopers ang magkasalo ngayon sa liderato bitbit ang 4-1 karta.
Mahalagang maipanalo pa ng Lady Rising Suns ang larong ito dahil bibitbitin ng anim na koponan ang karta sa quarterfinals.
Ang apat na koponan na may pinakamagandang baraha matapos ang round robin ang maglalaban sa semifinals.
May 2-4 baraha ang UAAP champion Ateneo at kailangan din nila ng panalo para hindi masyadong lumayo ang mga nangungunang koponan at tumibay pa ang hangaring makaabot sa Final Four.
Galing sa mapait na five-sets pagkatalo ang Lady Eagles sa kamay ng Lady Troopers noong Martes at kailangang alisin na sa isipan ng bawat manlalaro ang nangyari para mahigitan ang hamong hatid ng nagdedepensang kampeon.
Unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon ay ang pagkikita ng UP Lady Maroons at PNP Lady Patrollers at paglalabanan nila ang unang panalo matapos matalo sa naunang anim na laro. (AT)
- Latest