MANILA, Philippines - Sasali ang Winter Olympics veteran na si Michael Martinez sa International Skating Union (ISU) Grand Prix of Figure Skating para makalikom ng puntos at makapasok sa Grand Prix Final na gagawin mula Disyembre 11 hanggang 14 sa Barcelona, Spain.
Tumapos sa ika-19th puwesto sa Winter Games sa Russia, si Martinez ang natatanging South East Asian skater na lalahok sa GP Series at ito ay mangyayari dahil sa suporta ng SM Group sa pangunguna ni SM Prime Holdings, Inc. president Hans Sy.
Ang unang kompetisyon na sasalihan ni Martinez ay ang Hilton Honors Skate America sa Chicago, Illinois mula Oktubre 24 hanggang 26. Ang iba pang GP series ay sa Skate Canada, Lexus Cup sa China, Trophee Eric Bompard sa France, Rostelecom Cup sa Russia at NHK Trophy sa Japan.
May mga puntos ang makukuha ng bawat kalahok sa iba’t ibang dibisyong paglalabanan at ang unang anim na skaters matapos ang series ang siyang aabante sa Grand Prix Final.
Makakalaban ni Martinez ang mga world at Olympic medalists na sina Tatsuki Machida ng Japan, Denis Ten ng Kazakhstan, Jeremy Abbott ng USA at Artur Gachinski ng Russia.