Laro sa Sabado
(Smart Araneta
Coliseum)
2 p.m. UP vs UST
4 p.m. La Salle vs Adamson
MANILA, Philippines - Pinuwersa ng National University Bulldogs ang Adamson Falcons sa pinakamasamang shooting at pinakamababang iskor sa liga mula 2003 sa inangking 62-25 panalo sa 77th UAAP men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
May 13 at tig-10 puntos sina Rodolfo Alejandro, Angelo Alolino at Jeth Rosario para sa Bulldogs na hindi pinahintulutan ang Falcons na maka-double-digits sa apat na yugto ng tunggalian.
Si Celedonio Trollano ay may pitong puntos para sa Falcons na tumapos bitbit ang 16 percent shooting (9-of-57).
Ang dating pinakamababang field goal mula 2003 ay naitala ng UP Maroons na 18.5% sa laro na ginawa noong Setyembre 7, 2013.
Ang panalo ay naglagay sa Bulldogs sa solong liderato sa kanilang 4-1 win loss slate, habang nalasap naman ng Falcons ang ika-apat na sunod na kabiguan sa apat na laro.
Samantala, nilimitahan ng depensa ng FEU Tamaraws ang mga inaasahang gagawa sa UE Red Warriors sa single digits para katampukan ang 73-63 panalo sa unang laro.
Sina Roi Sumang at mga imports na sina Moustapha Arafat at Charles Mammie ay gumawa lamang ng pinagsamang 21 puntos na siyang kinamada lamang ni Mark Belo.
Si Anthony Hargrove ay may double-double na 14 puntos at 12 boards habang si Mike Tolomia ay sumundot pa ng 13 puntos at anim na assists upang ibigay kay coach Nash Racela ang kanyang ikalawang sunod na panalo at makasalo sa Ateneo Blue Eagles sa pangalawang puwesto sa 3-1 baraha.
“We just did the things that we are doing in practice,” pahayag ni Racela kung bakit nakapag-adjust agad sila sa press ng UE.
Dahil sa depensang ito ay nakalayo ang Red Warriors sa 22-12 matapos ang unang yugto.
Nag-adjust ang FEU at sa pagtatapos ng first half ay nakadikit sa isang puntos, 31-32, at matapos ang ikatlong yugto ay hawak na ang tatlong puntos na abante, 52-49.
Ang kabiguan ng UE ay ikalawang sunod para makapantay ang nagdedepensang kampeon La Salle (2-2) sa ikalima at ikaanim na puwesto. (ATan)
FEU 73--Belo 21, Hargrove 14, Tolomia 13, Cruz 7, Inigo 7, Pogoy 5, Jose 4, Dennison 2, Ru. Escoto 0.
UE 63--Varilla 12, Galanza 11, Javier 8, Arafat 8, Sumang 7, Mammie 6, Alberto 5, Jumao-as 4, De Leon 2.
Quarterscores: 12-22, 31-32, 52-49, 73-63.
NU 62--Alejandro 13, Alolino 10, Rosario 10, Khobuntin 7, Aroga 6, Cauilan 3, Neypes 3, Yu 3, Diputado 3, Javelona 2, Salim 2, Perez 1, Betayene 0, Atangan 0.
Adamson 25 – Trollano 7, Ochea 5, Nalos 4, Monteclaro 3, Aquino 2, Baylan 2, Barrera 1, Pedrosa 1, Butron 0, Donahue 0, Garcia 0, Gumtang 0.
Quarterscores: 19-3, 40-11, 56-17, 62-25.