MANILA, Philippines - Hihilingin ng bagong PATAFA president na si Philip Ella Juico sa Task Force Asian Games na bigyan pa ng isang tsansa si Marestella Torres, SEAG record holder sa women’s long jump, para maabot ang qualifying mark at mapasama sa ipadadalang delegasyon sa Incheon, Korea sa Setyembre.
Nais ni Juico na palaruin ang 33-anyos na si Torres sa PATAFA Weekly Relays sa Agosto 10 para muling subukan na maabot ang 6.37-metro marka na hindi niya nagawa sa dalawang naunang international tourney na sinalihan.
Nanganak noong Enero lamang, ang nagbabalik na si Torres ay gumawa ng 6.26-metro nang nanalo ng ginto sa Hong Kong Invitationals at 6.14-metro tungo sa bronze medal sa katatapos na Vietnam Open.
“What we are asking for is some kind of leniency. Marestella gave birth last January 26 and was given clearance to train only last March 12. She’s been training barely 18 weeks that is four months and two weeks which is way, way below what the others are doing,” wika ni Juico sa pagbisita kahapon sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Sa Agosto 15 pa ang final deadline para ipasa ang opisyal na talaan ng atleta ng bansa sa Incheon Asian Games Organizing Committee kaya’t naniniwala si Juico na mapapaunlakan ang kanyang kahilingan.
May 10 atleta ang PATAFA na pasado na sa Task Force at mahalaga ang masama si Torres dahil siya lamang ang tunay na may tsansa para manalo ng medalya sa Incheon.
Wala namang problema sa Task Force na hindi paunlakan ang kahilingan ni Juico. “We have no problem with that and we will giver her a last chance,” wika ni POC chairman at Task Force member Tom Carrasco Jr.