MANILA, Philippines - Dalawang beses sa isang linggo sinasanay ni Ronnie Abellar ang kanyang 8-anyos na anak na si Rishane Ashira sa mga parke ng Novaliches at Quezon City.
Naniniwala si Mang Ronnie na sa hinaharap ay si Rishane Ashira na ang kanyang makikita sa podium at itinataas ang tropeo bilang reyna ng MILO National Marathon.
“Pangarap ko talagang makita siya na mag-champion,” sabi ni Mang Ronnie sa kanyang anak. “Kaya ngayon pa lang tine-training ko na siya para habang lumalaki siya lalo siyang gumagaling sa pagtakbo.”
Sa unang pagkakataon ay nagwagi si Rishane Ashira sa 3-kilometer event sa Manila leg ng 38th MILO Marathon noong Linggo sa SM Mall of Asia Grounds sa Pasay City.
Kaya naman walang pagsidlan ng kanyang kasiyahan ang Grade Three student ng Placido Del Mundo Elementary School sa Novaliches sa kanyang nakamit na tagumpay.
“Masayang-masaya po ako kasi first time kong manalo rito sa MILO,” wika ni Rishane Ashira. “Pagbubutihin ko pa po para manalo ulit ako next year.”
Nagposte si Rishane Ashira ng tiyempong 00:15:46 para pangunahan ang kanyang age bracket sa 3K event.
Kung may pangarap man si Rishane Ashira na gusto niyang makamit, ito ay ang pagiging national champion ng MILO.
“Iyon po talaga ang gusto ko paglaki ko,” sabi ng paslit sabay inom ng malamig na MILO para bigyang ginhawa ang kanyang murang katawan matapos makipagsabayan sa 3k event.
Ang mga premyo sa kanyang panalo sa mga sinasalihang marathon events sa kanilang lugar ay ibinigay ni Rishane Ashira sa kanyang mga magulang.
“Para makatulong po sa kanila at para may panggastos din po ako sa training ko,” sambit ni Rishane Ashira.
Siyempre, ang pag-aaral pa rin ang isinususog ni Mang Ronnie sa kanyang anak.
“Iba kasi kapag may natapos kang kurso. Puwede namang pagsabayin ang pagtakbo niya,” ani Mang Ronnie kay Rishane Ashira. “At sana matupad ang pangarap niyang maging national champion ng MILO.”
Kaya kung sa isang MILO National Finals ay makita ninyo si Rishane Ashira Abellar na itinataas ang kanyang tropeo, huwag na kayong magulat dahil ito ay bunga ng kanyang pagsisikap at dedikasyon.