MANILA, Philippines - Araw ng mga dehado kahapon sa 90th NCAA men’s basketball nang umukit ng kambal na panalo ang St. Benilde Blazers at Mapua Cardinals laban sa paboritong San Beda Red Lions at San Sebastian Stags na ginawa sa The Arena sa San Juan City.
Kinapitalisa ng Blazers ang malamyang depensa ng four-time defending champion Red Lions sa huling yugto para angkinin ang 83-76 panalo habang ang Cardinals ay sumandal din sa impresibong ipinakita sa huling 10 minuto para kunin ang unang panalo sa pamamagitan ng 89-81 tagumpay sa ikalawang laro.
May 12 sa 20 kabuuang puntos ang ginawa ni Mark Romero sa huling yugto para tulungan ang Blazers na makaiskor ng 28 puntos laban sa Red Lions.
Ang kanyang tatlong dikit na transition lay-up ang bumasag sa huling tabla sa 71-all para ibigay sa Blazers ang ikatlong sunod na panalo matapos lumasap ng tatlong dikit na pagkatalo.
“Hindi kami makapaniwala na panalo kami sa San Beda,” wika ni Romero na mayroon ding anim na assists sa laro.
Si Paolo Taha ay naghatid pa ng 16 puntos, 7 rebounds at tig-dalawang steals at assists para sa Blazers na umakyat para saluhan ang Jose Rizal University at San Sebastian sa ikalima hanggang ikapitong puwesto.
Unang pagkatalo ito ng San Beda sa season para mabigyan ng pagkakataon ang Arellano Chiefs na makasalo sa unang puwesto sa 5-1 karta.
Ito rin ang unang pagkatalo ng Lions sa Blazers sa loob ng siyam na taon matapos ang 86-91 pagyuko noong Agosto 26, 2005.
Noong 2008 ay nanalo rin ang St. Benilde sa San Beda pero ito ay dahil sa technicality nang naisuot ni Sam Ekwe ang maling uniporme.
“The feeling is like we won the championship,” bulalas din ni Blazers coach Gabby Velasco.
May 18 puntos si Baser Amer para sa Lions na nagbigay ng 23 turnover points.
Si Jessie Saitanan ay may 24 puntos ngunit sina Carlos Isit, Jeson Cantos at Hesed Gabo ay may tig-14 puntos upang maulit ang nangyari noong nakaraang taon.
Ang Stags din ang pinaghugutan ng Cardinals ng kanilang unang panalo sa Season 89 gamit ang 104-99 double overtime panalo noong Hulyo 1.