Pacquiao, Cotto pagsasamahin ni Roach sa training camp

MANILA, Philippines - May posibilidad na mag­sama sa isang training camp sina Manny Pacquiao at Miguel Cotto.

Ang dalawang boksi­ngero ay nagtuos noong 2009 at nanalo si Pacquiao sa pamamagitan ng TKO sa 12th round para kunin ang WBO welterweight title ng Puerto Rican boxer.

Iisa na lamang ang ka­nilang trainer sa ngayon sa katauhan ni Freddie Roach kaya’t nagbabalak siyang pagsamahin ang dalawa sa pagsasanay bilang paghahanda sa kanilang susunod na laban.

Wala pang nakatakdang laban si Cotto pero pinaniniwalaan na sasalang siya sa Disyembre habang si Pacman ay makakasu­katan si Chris Algieri sa Nobyembre 22 para sa kanyang welterweight title.

Sa General Santos City o Manila gagawin ang pag­sasanay ni Pacquiao at tulad sa mga nakaraang laban nito ay hindi mala­yong tumagal ito sa loob ng dalawang buwan.

“They get along great,” wika ni Roach sa pakikitungo sa isa’t isa nina Pacquiao at Cotto sa panayam ng The Sweet Science.

“I would separate the times of the workouts. Because Miguel’s always on time and Manny’s always late,” dagdag ni Roach.

Hindi pa naman niya ito nasasabi kay Cotto at naka­depende ang plano kung papayag ito na bumiyahe sa ibang lugar.

Umakyat na ng timbang ang 33-anyos na si Cotto at ngayon ay kampeon sa WBC middleweight divison matapos manalo sa dating kampeon na si Sergio Gabriel Martinez noong Hunyo 7.

Show comments